Kadalasan ang tao ay hindi nakukuntento sa kung ano ang mayroon sila, kung anong kapalaran nasa kanila, at kung ano lang talaga ang para sa kanila. Lagi tayong nalulungkot at naghahanap ng mas higit, naghahangad ng mas matayog. Maaaring bahagi na ito ng instinct ng tao, ang huwag tumigil sa pangangarap.
Pero kadalasan hindi din natin napapansin na may mga bagay na nasa mga (sabi nila) sawim-palad. Sa totoo lang wala naman sa katanyagan ang totoong kaligayahan ng tao dahil may mga sikat nang aktor akong nabasa na sa peak ng career nila ay nagpakamatay. Nakakalungkot isipin na hindi pa rin sila kuntento sa kabila ng kanilang nakamit, gayong madami ang naghahangad na mapunta sa kanilang pwesto.
Sadyang may mga taong hindi nagkakaroon ng kakuntentuhan sa kung ano ang mayroon sila, hindi nila nare-realize ang kapalaran na mabigyan sila ng isang pagkakataon upang mabuhay sa mundo at malasap ang ligaya at lungkot, hirap at sarap.
Kung iisipin nating mabuti, minsan mas mapalad pa ang mga pipi at bingi, siguro bihira silang malungkot at masaktan kasi wala silang naririnig, tahimik na tahimik ang paligid nila. Pagsalitaan mo man sila ng masasakit na bagay, laitin mo mula ulo at paa, deadma lang sila.
Nasa kanila ang kapayapaang lagi nating inaasam.
Naalala ko tuloy ang sabi ni Ingkong dati, "There are times that we must learn to be numb." Hindi lahat ng bagay dapat damdamin, hindi lahat ng salita dapat dibdibin.
May pagkakataong kailangan mong magpakamanhid, magbingi-bingahan sa mga bintang at masasakit na salitang naririnig mo. Kung lahat tayo matututunan ito, mas sasaya ng kaunti ang mundo.
...pinklady