Blog EntryFACES IN THE HALLWAYFeb 25, '07 1:08 AM
for everyone

Sa lugar na ito, hindi karaniwan sa mga tao ang ngumingiti sa iba, lalo na't hindi nila kalahi. Matataas sila, palibhasa'y mayayaman. Hindi naman lahat ay may pinag-aralan, pero dahil marahil sa estado ng bansa nila, na di hamak na mas mayaman ang ekonomiya sa bansa nating Pilipinas, ang tingin nila sa sarili nila'y mataas, at tingin nila sa mga dayuhang galing sa mahihirap na bansa ay basahan, utusan, at alipin.

Receptionist ako, kaya naman halos lahat ng dumadaan sa hallway ng floor namin ay nakikita ko. Marami na rin akong na-encounter na tao – may mabait, masungit, pasensyoso, hindi marunong mag-English, baruk mag-English, fluent sa English, at iba pa.

Sa bawat taong nakakasalamuha ko, iba-iba ang damdaming iniiwan nila sa akin. Mayroon inis, lalo na kapag hindi kami magkaintindihan. Mayroon naman ngiti, dahil friendly ang approach nila pagpasok pa lang sa opisina. Minsan awa, dahil bawal akong magpapasok ng mga nagso-solicit sa loob, instruction kasi iyon ng amo ko. Bawat dumadaang tao sinusulyapan ko. Minsan lumilingon din, pero never pa yatang may ngumiti sa akin.

Ngayong umaga, habang nakatunganga ako sa harap ng computer ko, na madalas na pinapasakit ang ulo dahil lagi na lang nagha-hang, nagulantang ako sa malakas na iyak ng bata sa may elevator. Dumungaw ako, mula sa computer monitor na maghapon kong kaharap at kasalamuha sa araw-araw ng aking trabaho. Malakas ang iyak ng bata. Di kalaunan lumabas mula sa elevator ang nanay, hila ang stroller. May katapat kasi kaming salon. Kadalasan, kapag pumupunta ang mga nanay doon, hila-hila nila ang mga chikiting nila.

Pagsulyap ko, una kong nakita ang nanay, na nagsasalita ng kung ano na hindi ko maintindihan dahil Arabic. Pinagmasdan ko siya. Anlakas ng boses niya. Napaisip ako, "Sino kaya ang kausap niya?" Hindi naman siya maiintidihan noong bata na umiiyak, unang-una parang hindi pa naman nagsasalita iyon. Pangalawa, sa lakas ng iyak niya, siguradong hindi na maririnig nito ang boses ng nanay niya.

Nag-obserba ako. Nagulat na lang ako nang makita kong sumulpot sa gilid ng monitor ng computer ko ang maliit na ulo. Hindi pala ang baby lang na naka-stroller at nanay ang lumabas sa elevator, meron pang isang bulinggetong na bata na kasunod. Kakaiba, sa tantiya ko ay one to two years old pa lang iyong bata, susuray-suray pa sa paglalakad, pero hindi siya inaakay ng nanay. Paano kaya kung naipit iyon sa elevator? Hay naku, pabayang ina.

Isinilip ko nang bahagya ang ulo ko sa likod ng monitor, para makita ko ang bulinggit na batang nakayuko pa talaga ng todo para silipin ang mukha ko. Pinagmamasdan niya ako. Hindi siya kalapitan sa akin, tama lang ang distansiya naming dalawa. Tiningnan ko siya, at ngumiti siya sa akin. Ang cute niya. Cute talaga ang mga bata dito, pero kapag lumaki na, hindi na cute, nakakata-cute na dahil kadalasan ay mataray na at masungit.

Napangiti tuloy ako ng hindi sinasadya. Buti na lang at hindi nakatingin ang ina, at busy sa pag-asikaso sa anak niyang nagngangangawa sa pag-iyak. Maingay! Rinig na rinig ang bulahaw ng anak niya at boses niya sa buong floor, dahil sobrang tahimik dito.

Pero iyong isang bata hindi matinag ang tingin sa akin. Nakangiti pa rin siya at nakayuko. Parang inaaliw niya ako. Pero ano ba ang malay niya sa akin? Ano ba ang malay niya sa nasa isip ko? Ano ba ang alam niya sa pagiging seryoso?

Kumaway siya sa akin. Naku, parang gusto ko siyang yakapin at halikan. Nakakatuwa talaga. Pero hindi pwede, heto na ang nanay niya. Biglang hinablot ang kaawa-awang bata, na parang matatanggal na ang braso nito mula sa kaniyang katawan. Marahas naman masyado ang pagtrato niya sa isang cute na cute na batang tulad ng anak niya.

Tiningnan ko lang ang bata habang hinihila ng nanay papalayo sa akin, na parang susubsob na ang bata sa bilis ng paglakad na kanyang nanay. Nakalingon pa rin sa akin iyong bata, nakaturo pa ang hintuturo sa akin at parang sinasabi sa nanay niya na pansinin naman ako.

Naisip ko, mabuti pa iyong bata marunong pumansin sa mga katulad kong itinuturing ng mga kalahi niyang alipin at utusan. Mabuti pa siya may oras na tumigil at ngumiti sa akin sa kabila nang seryoso ang mukha ko at nakakunot ang kilay. Mabuti pa siya hindi pa niya naiintindihan ang katagang "discrimination" dahil sa hindi niya pa alam ang totoo niya estado sa buhay, kung gaano kalayo sa estadong kinalalagyan ko. Mabuti pa siya malinis ang kalooban at marunong magpahalaga sa kapwa.

Napagaan ng batang iyon ang loob ko ngayong umaga. Naalala ko tuloy ang katwiran ng Dios sa Biblia, nang iutos ng Dios sa mga lingkod Niya ang tumulad sa mga bata para makapasok sa kaharian ng langit. Siguro kung lahat lang ng tao magagawa iyon, napakatahimik ng mundo ngayon; walang discrimination, walang naaapi, walang injustices. Ansarap isipin, pero hindi naman mangyayari.

Pero may takot ako sa puso, gayong ganoon ang klase ng nanay na mayroon siya, magiging ano kaya siya paglaki niya? Sana huwag na lang niyang malaman ang kulay ng kutis niya, ang layo ng agwat niya sa ibang nilalang sa mundong ito, ang kaibahan ng kultura niya sa ibang tao, at sana huwag na siya masalinan ng maling pananampalatayang kinagisnan ng kanyang mga magulang.

Pero alam kong darating ang araw haharap siya sa totoong kulay ng buhay. Nakakalungkot isipin. Sa araw na iyon papansinin pa kaya niya ako? Matatandaan kaya niya ang ngiting ibinigay niya sa akin ngayong araw na ito? Marahil hindi na. Pero ako, habambuhay ko itong maaalala.

Antagal nilang lumabas sa salon, gusto ko uling makita iyong bata. Baka ngitian niya ako uli! Sana nga…

Written last December 16, 2006 at 2:05 pm by pinklady

Posted in kaanib.net's literary section


Add a Comment
   
© 2008 Multiply, Inc.    About · Blog · Terms · Privacy · Corp Info · Contact Us · Help